LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na normal lang ang mga naitatalang aktibidad sa Bulkang Mayon na ibinaba na sa alert level 2 status.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas, Chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, sa nakalipas na 24 na oras nakapagtala ang kanilang mga ekipahe ng dalawang rockfall events o ang pagbagsak ng malalaking bato mula sa taas ng bulkan.

Nagkaroon rin ng degassing o ang paglabas ng usok na may kasamang abo habang patuloy pa rin ang crater glow o banaag sa tuktok ng bulkan.

Ayon kay Bornas, normal lamang ang ganitong mga aktibidad dahil nasa alert level 2 pa ang bulkan.

Subalit kung ikukumpara umano sa mga nakalipas na buwan, mas mababa na ang mga aktibidad nito na indikasyon na unti-unti ng kumakalma ang Bulkang Mayon.

Sa kabila nito, kailangan pa rin umano na magbantay sa aktibidad ng bulkan at maging handa ang mga residenteng nakatira sa loob ng 6km permanent danger zone sakaling kailanganin na lumikas.