LEGAZPI CITY- Sisimulan na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang pag-update ng version ng lahar hazard map sa Bulkang Mayon.
Paliwanag ni resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na noong 2018 eruption pa ang huling bersyon ng lahar map sa bulkan.
Aniya, dumaan na ang maraming sama ng panahon sa lalawigan ng Albay kaya dapat lamang na matutukan ang mga posibleng dadaanan ng lahar kung sakaling magsimula na ang panahon ng tag-ulan.
Paliwanag nito na hindi inaalis ang posibilidad na dumausdos ang lahar mula sa Bulkang Mayon kung magkakaroon ng malalakas na mga pag-ulan lalo pa at hindi pa rin nauubos ang abo na ibinuga nito mula sa nakalipas na mga eruption.
Dagdag pa ni Alanis na mayroong mga river channels ang kanilang binabantayan at patuloy na ino-obserbahan.
Samantala, nilinaw naman ng opisyal na walang direktang epekto sa aktibidad ng bulkan ang nararanasang mainit na panahon sa kasalukuyan.