LEGAZPI CITY—Matagumpay na nai-rescue ang isang Philippine cobra matapos makapasok ito sa isang boarding house sa Barangay Cavinitan, Virac, Catanduanes.
Ayon kay Catanduanes Biodiversity Core Member Feliciano Avila De Leon Jr., sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakatanggap sila ng ulat mula sa isang estudyante kung saan naobserbahan nito ang makamandag na ahas sa ilalim ng kitchen cabinet nang ito ay magluluto na ng pananghalian sa nasabing boarding house.
Matapos na maiulat ay agad naman itong nirespondehan ng kanilang grupo at nagbigay ng mga impormasyon sa mga residente kung ano ang gagawin sa mga ganitong snake encounter.
Agad itong dinala sa opisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagtala ng impormasyon at idadala sa protected area.
Aniya na maaaring nasa higit isang dipa ang haba ng ahas at may bigat ng mahigit isang kilo dahil nasa adult stage na ito.
Dagdag niya na posible itong nakapasok sa boarding house dahil sa napapalibutan ito ng bakanteng lote, may mga nakatambak na lumber, walang vibration o peligro sa loob nito dahil walang tao noong kasagsagan ng Semana Santa, o dahil sa warm temperature ng lugar dahil ito ay isang cold-blooded animal na hindi kayang mag-produce ng init sa sarili.
Paalala naman ng opisyal na huwag subukang hawakan ang anumang klase ng ahas para sa kanilang seguridad, ipagbigay alam sa taong may alam sa pag-relocate ng ahas sakaling magkaroon ng snake encounter, ipanatili ang kalinisan ng kapaligiran, gayundin na palakasin ang suporta pag-abot sa wildlife conservation advocacy.











