LEGAZPI CITY – Wala pang katiyakan kung kailan makakaalis ang barkong sumadsad sa karagatang sakop ng Sitio Boracay Barangay Luneta Barcelona, Sorsogon.
Kung babalikan, Enero 20 ng sumadsad ang domestic cargo vessel na LCT REGENT 101 na pagmamay-ari at operated ng Southern Regent Shipping Inc.
Nagmula ang naturang barko sa Lazi, Siquihor at patungo sana sa Barangay Lidong, Sto. Domingo, Albay ng makasagupa ang malalaki at malalakas na alon dahilan upang mapadpad sa mababaw na bahagi ng naturang dagat.
Wala namang nasaktan sa insidente matapos na masagip ang lulan na 18 crew kasama na ang kapitan ng barko na pansamantalang nasa pangangalaga ng lokal na pamahalaan ng Barcelona.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Commander Christian Jazmin, Commanding Officer ng Coast Guard Station Sorsogon, patuloy na minomonitor ang barko upang maiwasan ang posibleng oil spill at marine damages.
Ito ay matapos makitaan ng mga sira ang ilang bahagi ng barko.
Sa ngayon hindi pa matukoy kung may mga napinsalang coral reefs dahil hindi pa makapagsagawa ng pagsusuri sa ilalim ng dagat dahil sa malalakas at malalaking alon dulot ng ilang weather system.
Ayon kay Jazmin, hinihintay na lang nila ang salvage plan ng owner ng cargo vessel upang makita kung ligtas ang isasagawang salvage operation.
Kaugnay nito, inaalam din kung mayroong naging paglabag o lapses ang barko na dahilan ng pagsadsad sa naturang karagatan.