LEGAZPI CITY – Dapat na gamitin ng Pilipinas ang suporta ng international community sa paglaban sa karapatan sa pinag-aagawan na West Philippine Sea (WPS).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazi kay Prof. Jay Batongbacal, Director ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, hindi dapat na matakot ang bansa laban sa China dahil nasa panig ng Pilipinas ang batas at suporta ng international community.
Kasunod ito ng patuloy na panghaharas ng mga Chinese Coast Guard sa mga Pilipinong mangingisda at pagharang sa mga isasagawa sanang marine scientific research sa naturang bahagi ng karagatang sakop ng bansa.
Nangangahulugan lamang aniya ito na parang sinasakal at pinipigilan ng China na magsagawa ng petroleum exploration ang Pilipinas sa sariling teritoryo.
Subalit ayon kay Batongbacal, nakakalungkot dahil lumalabas na parang mabilis lang tumiklop ang bansa sa pang-aabuso ng mga Chinese Coast Guard vessel.
Lalo pang tanging diplomatic protest pa lamang ang nagagawang hakbang ng bansa sa pagkondena sa mga panghaharas sa mga mangingisdang Pinoy at pag-angkin sa teritoryong bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Pagdidiin ni Batongbacal na panahon na upang gamiton ng bansa ang suporta ng international community para harapin ang China at magkaroon ng maayos na pag-uusap ng sa gayon ay mismong mga Pilipino mismo ang makinabang sa likas na yaman ng WPS.