LEGAZPI CITY- Muling nagpaalala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Sorsogon na pinagbabawal pa rin ang pag- akyat sa 4 kilometer permanent danger zone ng bulkang Bulusan matapos itong ibaba sa normal level o alert level 0 ng Phivolcs kahapon.

Ayon kay Engr. Raden Dimaano, ang PDRRMO Sorsogon Head sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahigpit pa ring pinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa 4 km PDZ ng nasabing bulkan kung saan walang pinagka-iba sa kanilang mga abiso mula pa noong nakataas sa alert level 1 ang Mt. Bulusan.

Pinagbabawal pa rin aniya ang lahat ng mga aktibidad sa bulkan gaya na lamang ng trekking.

Kinokondina naman ng opisyal ang ibang mga turista na masaya pang nagpipicture matapos makarating malapit sa bulkan kahit na ito ay pinagbabawalan ng naturang ahensiya.

Paalala nito na maging vigilante pa rin ang publiko lalo na ang mga lokal na gobyerno na nasa palibot ng bulkan upang walang ano mang mangyaring insidente kung sakaling magkaroon pa rin ng pag- alboroto ang bulkang Bulusan.