LEGAZPI CITY—Nagbabala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Catanduanes sa posibleng banta ng landslide dahil sa mga pag-ulan na nararanasan sa lalawigan dulot ng Bagyong Paolo.

Ayon kay PDRMMO Catanduanes Operations Section Chief Robert Monterola, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pinayuhan na nila ang mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices sa lalawigan na maging mapagmatyag sakaling magkaroon ng landslide sa kanilang nasasakupan.

Inalerto na rin nila ang mga engineering offices na agad na linisin kung may mga maitalang landslide sa nasabing lugar.

Dagdag pa ng opisyal, sa kasalukuyan ay wala pa silang ipinapatupad na paglikas sa kanilang mga mamamayan.

Ayon kay Monterola, bawal nang magpalaot ang mga mangingisda at suspendido na ang klase sa kanilang lalawigan.

Samantala, mensahe ng opisyal sa mga residente ng Cataduanes na mag-ingat sa banta ng landslide lalo na ngayong lumalambot ang lupa dahil sa mga pag-ulan na nararanasan sa naturang lugar.