LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Albay sa mga lokal na gobyerno na tutukan pa rin ang kampanya laban sa iligal na droga.

Kasunod ito ng inilabas na national audit result ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa taong 2021, kung saan 65 Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) sa Bicol ang nakapagtala ng high functional rating.

Ikinatuwa ni PDEA Albay Provincial Director Noe Briguel na 12 LGUs sa lalawigan ang nakasabay sa mga may high functional rating.

Ayon kay Briguel sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bilang isa sa mga nagsilbing auditor maraming nakitang bumuti ang performance audit kaya’t hanggang moderate functional rating na lamang ang pinakamababa at walang sumadsad sa low rating.

Kumpara sa dating assessment na may mga LGU sa Albay na bumagsak, nakitaan ng compliance lalo na sa barangay drug clearing.

Subalit aminado si Briguel na may mga LGU ang dapat pang pagsikapan ang paglalaan ng “substantial amount” ng pondo sa anti-illegal drugs campaign.

Kung hindi umano kasi mababa, kulang ang alokasyon sa ibang lugar.

Paalala pa ni Briguel na isa ito sa mga pinagbabasehan para sa Seal of Good Local Governance ng mga LGU.

Binati naman ni Briguel ang mga lungsod ng Tabaco at Legazpi na nakakuha ng perfect score sa audit performance rating.

Taunang isinasagawa ang ADAC Performance Audit upang matukoy ang functionality at matiyak ang patuloy na pagpapaayos ng kampanya laban sa iligal na droga.

Isinasailalim ang mga programa ng mga lokal na gobierno sa monitoring at evaluation batay sa mga criteria ng organization, alokasyon ng sapat na pondo para sa ADAC at superbisyon ng mga meetings at iba pang inobasyon.