LEGAZPI CITY- Hinigpitan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency Bicol ang monitoring sa mga vape shops sa rehiyon dahil sa posibilidad na nagtataglay ito ng marijuana content.
Ito ay kasunod ng serye ng pagkakakumpiska ng mga vape na may marijuana sa National Capital Region at iba pang kalapit na mga rehiyon.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Bicol Director Edgar Jubay sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mayroong binabantayan na mga tindahan ang ahensya.
Naghihintay lamang umano sila ng tamang pagkakataon upang makakalap ng malakas na mga ebidensya na magpapatunay na may marijuana extract ang ilang ibinibenta na mga vape.
Aminado kasi ang opisyal na mayroon ng liquid marijuana sa kasalukuyan.
Nais umano nilang maprotektahan ang mga gumagamit ng vape lalo na ang mga kabataan.
Ayon pa kay Jubay na kung sakaling magsagawa na sila ng operasyon laban sa mga physical store o online shops na nagbebenta ng vape ay agad na aalamin kung batid ng mga customer na may marijuana extract ang kanilang ginagamit upang makapaglatag ng kaukulang aksyon at kaso.