LEGAZPI CITY – Tiniyak ni Philippine Charity Sweepstakes Office Board Member Sandra Cam na lilinisin muna ang Albay sa mga iligal na aktibidad kagaya ng “bookies” bago ibalik ang Small Town Lottery (STL) operations.

Una nang ipinatigil ang operasyon ng STL sa lalawigan dahil sa mababang revenue collection ng Authorized Agent Corporation dahil sa iligal na mga sugal.

Kaugnay nito inihayag ni Cam sa Bombo Radyo Legazpi ang pakikipagtulungan sa pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) upang masawata ang mga responsable.

Ayon pa kay Cam, hindi tuluyang masusugpo ang problema sa “bookies” kung mismong ang ilang opisyal ang nagsisilbing operators.

Hawak na rin aniya ang listahan ng mga opisyal na isinasangkot sa “bookies” subalit tumanggi na munang magbigay ng iba pang detalye.

Kailangan umanong hintayin ang tamang panahon sa pagdulog ng reklamo sa Kongreso habang hindi takot kahit pa may kasabwat ang ilan na mas malalaking tao.

Nabatid na mismong si Cam ang mangunguna sa muling pagbubukas ng STL sa Albay na batay sa magiging resulta ng special board meeting na ipinatawag sa Huwebes, Hunyo 18.

Philippine Charity Sweepstakes Office Board Member Sandra Cam