LEGAZPI CITY- Hindi inaalis ng Philippine Coast Guard ang posibilidad na matatagpuan ng buhay ang limang sakay ng pinaghahanap na Yellow Bee helicopter na naipaulat na nawawala sa bahagi ng Palawan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCG spokesperson LT. Gretch Mary Acuario, sinabi nito na huling natukoy ang lokasyon ng naturang medical helicopter sa 35 nautical miles ng silangan ng Balabac.

Aniya, hanggang sa ngayon ay negatibo pa rin ang resulta ng operasyon dahil wala pang sightings ng naturang aircraft.

Nabatid na nagtutulong-tulong na sa nagpapatuloy na search operation ang Rescue 165 speedboat, mga tauhan ng Coast Guard Station Southwestern Palawan at nagpalipad na ng Cessna 206 para sa aerial search.

Nilinaw naman ni Acuario na pinag-iisipan pa ang paghingi ng tulong ng mga divers dahil malalim ang karagatan kung saan pinaniniwalaang bumagsak ang helicopter na konektado na sa Sulu Sea.

Kabilang sa mga sakay ng naturang medical chopper ang piloto na si Daniel Lui, nurse na si Janelle Alder, isang dayuhang pasyente at dalawang kaanak nito.

Samantala, sinabi ng opisyal na kung bigo pa rin ang nagpapatuloy na search and rescue operations sa loob ng tatlong araw ay magsi-shift na ang Coast Guard sa search and retrieval operations.