LEGAZPI CITY-Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang pagpupulong ngayong araw upang talakayin at suriin ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa patuloy na epekto ng El Niño sa suplay ng pagkain at tubig, enerhiya, kalusugan, at kaligtasan ng publiko.

Binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan para sa maagap, koordinado, at tuloy-tuloy na pagkilos ng pamahalaan, lalo na’t inaasahang magpapatuloy sa mga susunod na buwan ang kakaunting pag-ulan at mas mainit na panahon kaysa karaniwan.

Inatasan ni Pangulong Marcos ang mga kinauukulang ahensya na pabilisin ang pagkumpleto ng mga proyekto para sa suplay ng tubig at pagpapatupad ng mga karagdagang hakbang upang matugunan ang kakulangan.

Hiniling din niya na agad na maibigay ang kinakailangang tulong at suporta sa mga sektor na apektado ng El Niño, gayundin ang pagpapatibay ng mga hakbang sa pagtitipid ng tubig at enerhiya at paglalaan ng karagdagang pondo at iba pang resources kung kinakailangan.

Nanawagan din si PBBM ng mga hakbang upang maprotektahan ang produksyon ng agrikultura, matugunan ang kakulangan sa tubig, at matiyak na magpapatuloy nang walang abala ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan.