LEGAZPI CITY – Inihahanda na ng mga bangko ang ibababang pera sa payout ng ikalawang tranche ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga non-Pantawid beneficiaries.
Ibinahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol na posibleng bukas, Hulyo 23 mag-umpisa nang mamahagi ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo sa ilang lokal na pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Regional Director Arnel Garcia, nag-generate na ng beneficiary registration number ang Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) na isa sa partner banks ng ahensya habang ongoing ang paglikha ng accounts ng Legazpi Savings Bank.
Ang Rural Bank of Guinobatan sa ilalim ng RCBC ayon kay Garcia ang posibleng makapag-umpisa na ng payout sa mga lungsod ng Ligao, Tabaco at Legazpi maging sa Daraga at Oas habang sa Lunes, Hulyo 27 para sa Tiwi.
Kasabay nito, maaring mag-umpisa na rin ang Legazpi Savings Bank bukas sa pamamahagi ng cash aid sa Polangui.
Hindi naman kabilang sa payout ng bangko ang mga mula sa bayan ng Rapu-Rapu na sakop na ng DSWD Bicol maging ang areas sa labas ng Albay para sa mga waitlisted.
Makakatanggap ng P5, 000 ang mga taga-Albay para second tranche na may P50 fee mula sa bangko at P10, 000 para sa mga waitlisted.
Nilinaw naman ni Garcia na sumasailalim pa rin sa revalidation ang mga listahan kaya’t posibleng matanggal sino man na mapatunayang hindi kwalipikado sa ayuda kahit nasa payroll na.
Sa may mga reklamo naman, kasamang tutungo ng mga bank employees na magpapatupad ng payout ang isang DSWD grievance officer.