LEGAZPI CITY – Plano na magtayo ng patrol base ng Philippine Army sa isang barangay sa Libon, Albay kasunod ng mga naitalang serye ng shooting incident sa bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NBI Bicol special agent Atty. Edwin Romano, nagkaroon ng pag-uusap ang tanggapan kasama ang AFP, Libon MPS, Libon LGU at barangay official kaugnay sa naturang plano.
Nilalayon ng naturang hakbang na mapabilis na ang pagresponde kung sakaling magkaroon na naman ng insidente ng pamamaril.
Hinikayat din ang mga residente na huwag matakot na lumapit at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagresolba ng mga nangyayaring krimen sa bayan.
Aniya, hangga’t mayroong nagbibigay ng suporta sa criminal group at takot ang mga residente lalong lalakas ang loob ng mga ito na gumawa ng krimen.
Kung kaya’t umaasa si Romano na hindi i-oppose ng lokal na pamahalaan ang naturang plano na nilalayong ma-neutralize ang criminal group sa Libon.
Maaalala, mula Oktubre 2021 hanggang sa kasalukuyan, halos aabot na sa 15 ang insidente ng pamamaril na naitala sa Libon, 11 dito, itinuturong kagagawan ng Concepcion Criminal Group.
Nito lamang Hunyo 30, nadiskubre ang killing field at mass grave ng mga sindikato kung saan anim na kalansay ng tao ang nahukay sa Brgy. Molosbos, Libon.