LEGAZPI CITY – Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng anim na mangingisda dahil sa illegal fishing sa municipal waters ng Monreal, sa lalawigan ng Masbate.

Naaresto ang mga ito kasunod ng isinagawang operasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, sa tulong ng iba pang mga law enforcement agency.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BFAR Bicol information officer Rowena Briones, kakaharapin ng hindi pa pinapangalanang mga indibidwal ang paglabag sa RA 10654 o “Philippine Fisheries Code of 1998 na nilalayong maubos ang mga iligal at hindi rehistradong mangingisda.

Napag-alamang walang lisensya at hindi otorisado ang paglayag ng naturang mga mangingisda at walang lisensya ang bangkang ginamit.

Maliban dito, nadiskubre na ipinagbabawal na fishnet o lambat na ginamit.

Nasamsam sa mga ito ang nasa 350 at 400 na kilo ng mga isda na lahat ay mga tamban at galunggong.

Samantala, sinabi rin ni Briones na patuloy pa ang isinasagawang pagbabantay sa mga karagatan upang masawata ang illegal fishing.