LEGAZPI CITY – Sinuspinde na ang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskwelahan sa Albay bunsod ng pinaghahandaang epekto ng Bagyong Ramon.
Sa inilabas na PDRRMC Advisory Number 1 ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) at pirmado ni Governor Al Francis Bichara, pinayuhang umiwas sa pagtawid sa mga ilog at sapa ang mga residente, maging sa pangingisda dahil sa malalaking alon.
Inalerto na rin ang local DRRMCs sa mga lugar na may banta ng flashflood, floods debris flows at landslides habang itinaas ang heightened alert sa mga nasasakupang lugar.
Maglalabas na lamang ng kasunod na abiso ang APSEMO sakaling ma-lift na ang class suspension.
Batay sa ibinabang weather bulletin ng PAGASA dakong alas-11:00 ng umaga, nakataas na ang Tropical Cyclone Warning Signal Number 1 sa Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Eastern Samar at Northern Samar.
Inaasahan ang mahina hanggang sa katamtaman at kung minsa’y malalakas na pag-ulan sa mga naturang lugar.