(File photo)


LEGAZPI CITY – Suspendido ang isang pari sa kanyang ministeryo dahil sa pakikilahok nito sa Halalan 2022.

Sa inilabas na circular letter na may petsang Abril 4, inanunsyo ni Bishop Jose Alan Dialogo ang suspensyon kay Rev. Fr. Emmanuel Alparce matapos na ipagpatuloy ang kandidatura bilang isang municipal councilor sa bayan ng Bacacay sa lalawigan ng Albay

Sa ilalim ng Canon Law ng simbahan, ipinagbabawal sa mga kaparian na sumali sa politika.

Sa ngayon, hindi muna pwedeng isagawa ni Alparce ang kanyang mga priestly ministry tulad ng pag-preside sa selebrasyon ng Holy Mass at iba pang mga sakramento.

Paliwanag ni Dialogo na binigyan nila ng palugit ang naturang pari hanggang Marso 25 bago magsimula ang local campaign period para bawiin ang kandidatura.

Subalit mas pinili nito na ipagpatuloy ang kandidatura, kaya naman maliban sa suspensyon ay maari pa itong mauwi sa dismissal.

Sa kasalukuyan, walang katungkulan si Alparce at hindi konektado sa alinmang parokya o institusyon ng Diocese of Sorsogon.