emergency text alert message
emergency text alert message

LEGAZPI CITY- Patuloy na inaalam ngayon ng mga kinauukulan kung sino ang nasa likod ng paggamit ng government resources upang maging daan ang emergency text alert message sa pangangampanya ng ilang mga kilalang kandidato sa lalawigan ng Masbate.

Ito ay kasunod ng pagpapalabas ng show cause order ng Commission on Elections Task Force Katotohanan, Katapatan, Katarungan sa Halalan sa ilang mga kandidato sa Masbate kasunod ng kumalat na social media post kung saan sangkot umano sa paggamit ng emergency text alert message upang mangampanya.

Ayon kay Comelec Bicol Director Atty. Jane Valeza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Information and Communications Technology hinggil sa naturang usapin.

Kasabay nito ay inaalam rin ang naging papel ng mga telecommunication companies upang makapagpalabas ng naturang mga text messages gamit ang emergency alert.

Ayon sa opisyal na maging ang empleyado ng tanggapan sa lalawigan ng Masbate ay nakatanggap rin ng naturang text blast kaya agad na nagsagawa ng aksyon.

Kung sakaling mapapatunayan na nagkaroon ng mga paglabag ang sangkot na mga kandidato ay maaari umano itong masampahan ng disqualification case habang ang mga opisyal naman ng pamahalaan ay posibleng sampahan ng administrative case.