LEGAZPI CITY – Ipinagbawal na muna ng gobyerno ng France ang paninigarilyo sa harap ng magkakasunod na mga insidente ng wildfire sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Gie Rodriguez ang Bombo International News Correspondent sa France, ang upos kasi ng sigarilyo ang madalas na itinuturong pinagmumulan ng wildfire kung kaya ipinagbawal na muna ito lalo na sa mga taong nagmamaneho.
Isa pa sa dahilan ng mga sunog sa kakahoyan sa bansa ay ang nararanasang matinding init na umaabot ng 38 hanggang 40 degree celcius mula alas 8 ng umaga.
Pinayohan na rin ang mga residente na iwasan na muna ang paglabas ng kanilang mga tahanan habang kailangang maglagay ng sunscreen at magdala ng tubig sakaling kailangan pa rin na lumabas.
Nabatid na sa nakalipas lamang na mga linggo tinatayang nasa 20 mga wildfire na an naitala sa bansa habang libu-libong mga residente naman ang kinailangang ilikas.