LEGAZPI CITY – Hindi na ipinagtaka ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA ang resulta ng pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute na mula sa mga pamilya ng mangingisda ang mataas na kaso ng malnutrisyon ng mga bata.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pando Hicap, chairperson ng naturang grupo ng mga mangingisda, makikita ang ebidensya sa mga coastal areas kung gaano kahirap ang sitwasyon ng fishing community.
Aniya, maraming factor ang nagpapahirap sa mga fisherfolk kabilang na ang patuloy na reclamation projects at dredging sa ilang karagatan ng bansa at ang presensya ng China Coast Guard sa West Philippine Sea.
Maging ang walang patid na pagtaas ng presyo ng gasolina at ng mga bilihin.
Binigyang diin ni Hicap, paliit ng paliit ang kita ng mga mangingisda gayundin ang pwedeng pagkunan ng lamang dagat, dahilan upang hindi na kayang tugunan ang pang-araw-araw na pagkain ng pamilya.
Dahil dito, hiling ni Hicap ang suporta ng gobyerno sa matagal nang panawagan na pagpapatigil ng reclamation projects at pagpapalayas sa mga Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea para malayang makapangisda ang mga Pilipino.
Sa pamamagitan aniya nito, kahit huwag ng ayudahan ng gobyerno ang mga mangingisda basta’t malawak ang mapagkukunan ng isda tiyak na matutugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan.