LEGAZPI CITY – Nakatakdang bumisita si Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. sa lalawigan ng Albay sa darating na Hunyo 14 para pangunahan ang distribusyon ng mga housing units sa lungsod ng Tabaco at bayan ng Tiwi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tabaco City Mayor Krisel Lagman Luistro, makikita ang housing units sa Barangay San Vicente na tinawag na Hiraya Manawari village kung saan planong ilipat ang mga residente na nakatira sa mga squatter at danger zones area partikular na ang mga malapit sa dagat, ilog at landslide prone areas.
Mayroong nasa 2,361 housing units ang pinapagawa sa naturang settlement area subalit 1, 069 pa lamang ang natatapos at nakatakdang ipamahagi kasabay ng pagbisita ng Pangulo.
Tinatayang nasa 8,000 hanggang 10,000 na katao ang mabebenipisyuhan sa housing projects kung sakaling matapos na ito sa susunod na taon.
Maliban sa lungsod ng Tabaco, bibisitahin din ng Pangulo ang isa pang resettlement site na itinatayo rin sa bayan ng Tiwi sa lalawigan pa rin ng Albay.
Napag-alamang bahagi ang naturang proyekto ng Build Back Better program ng National Housing Authority (NHA).
Samantala, masaya ring ibinahagi ni Luistro na maglalagay ng Kadiwa ng Pangulo sa lungsod kasabay ng pagbisita ni Presidente Marcos Jr.
Maliban sa Kadiwa , magbibigay din sa kaparehong araw ng libreng health check up o Malasakit Health Services at job fair na gagawin sa Bicol University – Tabaco Campus Lagman Auditorium.