LEGAZPI CITY – Ipinagbawal ng Port Management Office Bicol ang pananatili ng mga stranded na pasahero sa loob ng pantalan dahil sa suspensiyon ng mga byahe dulot ng epekto ng Bagyong Opong.
Ayon kay Port Management Office Bicol Media Relations Officer Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa lahat ng mga daungan sa rehiyon, tanging ang Matnog Port lamang ang nagparehistro ng mga stranded na pasahero na pinayagang manatili sa passenger terminal building sa kondisyon na sila ay ililipat sa mga temporary evacuation area sakaling lumala ang sitwasyon.
May kabuuang 104 na indibidwal din ang inilikas sa mga evacuation area na stranded sa daungan ng Tabaco habang 250 na mga driver at pasahero ang inilikas din mula sa daungan ng Castilla at 3,500 na stranded na pasahero sa Matnog Port.
Hindi nila inaasahan na lalakas si Opong ngunit nagpapasalamat siya na hindi lumakas ang ulan at hangin sa lalawigan ng Sorsogon.
Sinabi ng opisyal na ang mga byahe ng barko sa mga daungan sa buong rehiyon ay nananatiling suspendido dahil sa nakabandera na tropical cyclone wind signal.
Binigyang-diin din ni Galindes na hindi sila nagkulang sa pagpapaalala at pagbibigay babala sa mga pasahero tungkol sa mga suspensiyon ng mga barko bago pa man dumating ang nasabing bagyo sa rehiyon.