LEGAZPI CITY- Kinondena ng mga otoridad ang ginawang pananambang ng armadong grupo sa mga sundalo na nagsasagawa ng Humanitarian Assistance Disaster Response Operations sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa Pio Duran, Albay.
Ayon kay 9th Infantry Division public affairs office chief Major Frank Roldan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi umabot sa 15 minuto ang engkwentro kung saan tinatayang nasa sampung armadong kalalakihan ang responsable sa pananambang.
Isang sundalo naman ang nagtamo ng sugat matapos tamaan ng sharpnel dahil sa ginamit ng mga suspek na anti-personnel mines.
Ikinalugkot naman ng opisyal na sinamantala ng mga kalaban ng pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon kung saan nasa emergency situation ang lalawigan dahil sa pinsala ng kalamidad.
Sa kabila ng insidente ay siniguro ni Roldan na magpapatuloy ang pagpapaabot ng tulong ng kanilang hanay sa mga kababayan na pinadapa ng naturang bagyo.
Pinayuhan naman nito ang kanilang hanay na manatiling naka alerto sa kabila ng pagiging abala sa pagpapaabot ng relief assistance lalo pa at hindi inaalis ang posibilidad na muling kumilos ang mga mapang-abusong grupo.