LEGAZPI CITY – Nanawagan ang pamunuan ng Matnog port sa mga pasahero kanselahin muna ang kanilang biyahe patungo sa pantalan dahil sa nararanasang sama ng panahon na dulot ng Bagyong Aghon.
Sa kasalukuyan kasi ay kanselado na ang biyahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa nakabanderang tropical storm warning signal sa lalawigan ng Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Matnog port Acting Division Manager Achilles Galindes, sinabi nito na kailangang antayin muna na tuluyang makaalis sa Philippine Area of Responsibility ang naturang sama ng panahon upang hindi ma-stranded sa mga pantalan.
Nabatid kasi na daan-daang mga pasahero at rolling cargoes na ang stranded ngayon sa Matnog port.
Karamihan sa mga ito ay nananatili sa loob ng pantalan habang ang iba naman ay mas piniling pansamantalang manatili sa mga hotel.
Samantala, siniguro ni Galindes na bibigyan nila ng ayuda ang mga stranded na pasahero hanggang sa makabalik na ang biyahe ng mga barko.