LEGAZPI CITY – Iminungkahi ng Catanduanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na bigyan ng food packs o ayuda ang mga pamilya ng mga mangingisdang apektado ng sama ng panahon sa lalawigan .

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Catanduanes PDRRMO Operations Section Head Bobby Monterola, ang naturang suhestiyon ay bilang mitigating measures upang hindi na mapilitang maglayag ang mga mangingisda sa gitna ng sama ng panahon.

Taong 2011 pa aniya huling nakapagtala ng maraming nawawalang mangingisda sa lalawigan at ngayon na lang muling naulit.

Aniya, hindi naman nagkulang sa pagpapaalala ang mga kinauukulan na delikado ang mangisda sa ganitong kalagayan ng panahon.

Subalit may mangilan-ngilan pa rin na matitigas ang ulo at ang iba naman ay walang ibang mapagkukunan ng kabuhayan kaya’t nakikipagsapalaran.

Sa kasalukayan, nanatiling nasa anim pang mangingisda ang nawawala at patuloy na pinaghahanap hanggang ngayon.

Abiso ni Monterola, importante na sumunod sa mga otoridad dahil buhay ang nakasalalay at maginging kawawa ang pamiyang maiiwan.