LEGAZPI CITY – Pinangalanan na ng kamag-anak ng pinaslang na si Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie ‘Bodgie’ Yuson III ang tinutukoy na mahigpit na katunggali sa pulitika na posibleng nasa likod umano ng pananambang sa bise alkalde kahapon sa Maynila.

Itinuro ni Municipal Coun. Emil Glenn Yuson ang Pamilya Cam bilang responsable sa krimen dahil matagal na aniyang nais na makatuntong sa pwesto at mamuno sa bayan.

“Lahat ng pangyayari na paghihirap sa aming pamilya, ngayong pinatay si Vice Mayor, siya ang dahilan. Kung pa’no nakasuhan si Mayor Charmax… kung pa’no nagkagulo ang Batuan, siya ang dahilan.”

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa pamangking konsehal ni Yuson, taong 2004 pa nang tumakbong magka-tandem sa halalan si Sandra Cam at Bodgie bilang mayor at vice mayor subalit bigo ang mga ito.

Tagumpay naman si Yuson sa muling pagtakbo sa pagkaalkalde mula 2007 hanggang 2013 habang pawang talo ang mga kapartido ni Cam.

Taong 2016 nang magpasyang tumakbo ang anak ni Bodgie na si Mayor Charmax Jan at manalo habang na-reelect pa sa May 2019 polls kung saan nakatunggali sa pwesto ang anak ni Cam na si Marco Martin.

Sa hiwalay na panayam kay PCSO Dir. Sandra Cam, itinanggi nito ang lahat ng alegasyon na ibinato ng kabilang pamilya.

Tiniyak rin ni Cam ang pagsasampa ng kasong libelo laban sa naturang konsehal.

Subalit bumanat si Cam na imbes na espekulasyon laban sa pamilya aniya ang gawin, hanapin na lamang ang ‘nawawala’ umanong re-elected Mayor Charmax Jan.

Konektado ang kasong binabanggit ni Cam sa nangyaring raid sa resort at bahay ng mag-amang Yuson noong Pebrero 2019 kung saan narekober ang ilang baril at granada.

“I’m denying these speculations of this Yuson family and I can face them anywhere. Hindi pamilya namin (ang) mamatay-tao. There’s an outstanding warrant of arrest with no bail recommended. Eh, bakit hindi ‘yan ang ano at ako ang pagdidiskitahan nila? Hindi sila ang tipo ng mga tao na dapat kong kalabanin.

Nabatid na si Vice Mayor Charlie ang nagsisilbing acting mayor ng Batuan sa kasalukuyan habang ang Top 1 Municipal Councilor Nelson Cambaya ang acting Vice Mayor.