LEGAZPI CITY – Makatatanggap ng tulong-pinansyal mula sa Provincial Government ng Sorsogon ang pamilya ng mga namatay sa nangyaring madugong aksidente sa bayan ng Castilla.

Ito ang kinumpirmar ni Dong Mendoza ang tagapagsalita ng provincial government ng nasabing probinsya sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kasunod ng naging pag-uusap ng mga department heads ng kapitolyo.

Inihayag dito ni Governor Boboy Hamor na makakatanggap ng P50,000 ang kada pamilya ng mga biktima. Ibinigay naman sa kamay ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang pamimigay ng asistensya sa mga bikrimang nagtamo ng sugat dahil sa aksidente.

Ayon kay Mendoza, agad na ibibigay sa mga pamilya ang nasabing tulong-pinansyal oras na makompleto ng mga ito ang hinihinging mga dokumento.

Samantala, nakipag-ugnayan na ang Sangguniang panglalawigan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para maisaayos na ang kalsada sa Brgy San Rafael kung saan nangyari ang aksidente.

Ani Mendoza, marahil ay dahil ito sa walang-humpay na pag-uulan kung kaya humihina ang pundasyon at kalidad ng mga kalsada sa probinsya.

Ngunit sa ngayon ay malabo pa umanong maayos o matapalan ang mga lubak sa daan dahil sa patuloy na pag-ulan, naglagay na lamang ang ahensya ng mga early warning device para sa seguridad ng mga motorista.

Nagbigay naman ng abiso sa lahat ng mga nagmamaneho na maghinay-hinay at magdoble ingat lalo pa’t hanggang ngayon ay masama pa rin ang panahon, para na rin aniya masiguro ang kaligtasan nila.