
LEGAZPI CITY – Nagsampa na ng kaso sa prosecutors office ang pamilya ng isa mga biktima laban sa drayber ng tumaob na pampasaherong bus sa Andaya Highway, sa Barangay Magais I, sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur.
Matatandaang apat na indibidwal ang kumpirmadong patay sa insidente at umabot sa 23 sugatan ang nai-dala sa ospital kabilang ang driver.
Ayon kay Del Gallego Municipal Police Station Acting Chief of Police Police Captain Bernie Undecimo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.
Sa kasalukuyan umano ay kabilang ang driver sa tatlong sugatan na nananatiling naka-confine sa hospital.
Batay sa kanilang imbestigasyon, posibleng puyat ang driver at maaaring inatake sa puso dahil kasalukuyan itong nakakaranas ng pananakit ng dibdib at mataas ang blood pressure.
Inihayag ni Undecimo na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga namatay para sa paghahatid ng mga labi sa kani-kanilang mga lugar.










