LEGAZPI CITY – Pag-aaralan umano ng Pamilya Batocabe kung hihiling ng police security detail matapos ang pansamantalang paglaya ng dating alkalde ng Daraga, Albay at itinuturong mastermind, Carlwyn Baldo sa pamamaslang kay Party-list Cong. Rodel Batocabe.
Aminado ang pamilya na ikinababahala ang pansamantalang paglaya ni Baldo at nangangamba sa kanilang seguridad.
Sinabi ni Atty. Justin Batocabe sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, magkahalong pagkadismaya, lungkot at takot ang nararamdaman ng pamilya lalo ng inang si Gertie subalit kailangan rin aniyang isaalang-alang ang gastos para sa plano.
Back to zero rin aniya ang hakbang sa kaso dahil mistulang napawalang-saysay ang Motion for Reconsideration na walang ipinatawag na pagdinig at paghingi ng komento si Presiding Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano ng Legazpi City RTC Branch 10.
Kahapon ng pansamantalang makalaya si Baldo matapos na makapagpiyansa ng P8.72 million property bond para sa mga kasong double murder at attempted murder at pagbaba ng pirmadong release order ng korte.