Atty. Justin Batocabe © Bombo John Salonga

LEGAZPI CITY – Inamin ng Pamilya Batocabe na dama na ngayon pa lamang ang takot kaugnay ng napipintong pansamantalang pagpapalaya kay dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Nagpatawag ng press conference ngayong araw ang pamilya matapos na ibaba ang court decision na pinapayagang makapaglagak ng piyansa sa mga kinakaharap na kaso ang alkaldeng itinuturong mastermind sa pamamaslang kay Party-list Congressman Rodel Batocabe.

Sa pagharap ni Atty. Justin Batocabe sa mga kagawad ng media sa Albay, hindi lamang aniya ipinangangamba ang buhay ng kaniyang pamilya kundi maging ng mga tumestigo laban sa dating alkalde.

Pagbabahagi pa ng nakababatang Batocabe na hindi na rin makatulog ng maayos tuwing gabi habang hindi rin mapigilang maiyak sa kalungkutan at pagkadismaya sa desisyon. Nilinaw naman ni Atty. Justin na nirerespeto ang desisyon ng korte bilang abogado subalit hindi maiwasan ang emosyunal na opinyon sa nangyari lalo na sa posibleng kahantungan ng hustisya para sa ama.

Aminado rin ito na hindi nalalayong magbago ang takbo ng mga pangyayari sa kaso lalo na sa latest development.