LEGAZPI CITY- Maaring pasimulan na sa darating na Biyernes, Hulyo 3 ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ng ikalawang bugso ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Director Arnel Garcia, pagbaba na lamang ng pondo ang hinihintay upang maumpisahan na ang distribution habang handa na rin umano ang listahan ng mga benepisyaryo.
Una na ring inihayag ng ahensya na tanging Albay na lamang ang makakatanggap ng ikalawang tranche ng SAP sa Bicol habang makakatanggap naman ng P10, 000 ang mga waitlisted beneficiaries.
Pinasimulan na rin ang orientation sa mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) na magsisilbing paymasters ng Special Disbursing Officers (SDOs) ng DSWD para sa onsite distribution sa cash aid.
Tinitingnan ang malaking tulong ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo na sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas at Conflict-Affected and High-Risk areas.