LEGAZPI CITY – Nakatakdana magsagawa ng kilos protesta ang grupo ng mga mangingisda sa mga susunod na araw upang kondenahin ang mga ilegal na hakbang ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
Ito ay kasunod ng pagpapalabas ng pahayag ng China kaugnay sa pagpapatupad ng apat na buwang fishing ban sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PAMALAKAYA President Pando Hicap, walang karapatan ang China na magpatupad ng ganitong klaseng regulasyon dahil wala naman silang hurisdiskyon sa naturang teritoryo.
Sigurado aniya na nagkukunwari lang ang China na may malasakit sa naturang karagatan dahilan upang magpatupad ng fishing ban.
Ayon kay Hicap, hindi naman maitatanggi ang mga ebidensya na sila ang nangunguandang sumisira ng mga bahura at mga taklobo sa West Philippine Sea.
Naniniwala rin ito na ang pagpapatupad ng fishing ban ng China ay upang malaya na gawin ang mga ilegal na aktibidad at hindi para protektahan ang karagatan.
Kaugnay nito nagpahayag ng pagkabahala si Hicap sa mga mangingisda partikular na sa Zambales na pinakaapektado ang hanapbuhay sa mga ginagawa ng China.
Dahil dito, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na gumawa na ng aksyon at ipakita sa buong mundo na seryoso at desidido na ipagtanggol at protektahan ang sairiling teritoryo.