LEGAZPI CITY – Iniimbestigahan na ngayon ng Commission on Human Rights ang naranasang harassment ng ilang mga mangingisda sa Zambales sa kamay ng mga sundalong Pilipino.
Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas President Pando Hicap sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang mga sundalo ang dapat na unang nangangalaga sa kapakanan ng mga kapwa Pilipino.
Nagsimula umano ang naturang harassment kasunod ng matagumpay na ekspedisyon ng grupo sa West Philippine Sea.
Nanindigan si Hicap na nais lamang nilang maipaglaban ang kanilang mga karapatan sa naturang teritoryo.
Kwento nito na may dalang mga larawan ng ilang miyembro ng Pamalakaya ang grupo ng mga sundalo at nagtatanong-tanong sa pangalan ng mga sumama sa expedition.
Nanawagan rin ito na itigil na ang red tagging sa mga grupo at indibidwal na nagkokondena sa maling mga patakaran at polisiya ng pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng grupo ang panawagan na i-demilitarize ang West Philippine Sea dahil ang patuloy na presensya umano ng mga sundalo ang mas nagpapalala ng tensyon na nakaka apekto sa kabuhayan ng mga local fisherfolks.