LEGAZPI CITY—Itinuturing na ‘good news’ para sa mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ang pagtanggi ng International Criminal Court (ICC) sa kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang pansamantalang pagpapalaya.

Ayon kay Rise Up for Life and for Rights Coordinator Rubilyn Litao, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ng isa sa mga pamilya ng mga biktima na isa itong pag-asa na naririnig umano ng ICC ang panig ng mga biktima ng giyera kontra droga.

Aniya na kung sakali umanong pinayagan ang dating Pangulo na pansamantalang makalaya ay naroon ang pagkabahala ng kanilang grupo.

Dagdag pa ni Litao, nanawagan din ang mga pamilya na mapabilis ang proseso ng paghahanda para sa confirmation of charges ng dating Pangulo.

Iginiit din nila na ang tunay na biktima sa kanilang laban ay ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at hindi si Duterte.

Samantala, sinabi ng opisyal na dapat may managot sa kaso upang hindi na rin ito maulit pa sa komunidad.