LEGAZPI CITY – Hindi naniniwala ang grupo ng mga guro na masusunod ang ipinalabas na memorandum ng Department of Education.
Ito ay kaugnay sa pagtanggal na ng mga administrative tasks o non-teaching tasks sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimir Quetua, binigyang diin nito na siguradong hindi mangyayari sa aktuwal ang naturang bagong kautusan.
Lalo na kung pagbabasehan ang bilang na sinasabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na pag-hire ng 5,000 na mga project developement officer at administrative officer noong 2023 at ngayong 2024.
Aniya, malinaw na hindi kayang gampanan ng naturang bilang ang administrative tasks sa kabuuang 47,000 na paaralan sa buong bansa.
Nilalayon ng education department order No. 002, Series of 2024 o ang memorandum para sa “Immediate Removal of Administrative Tasks of Public School Teachers” na magbigay ng suporta sa mga guro upang mas matutukan na lang ang pagtuturo.