(File photo)

LEGAZPI CITY—Muling tumaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Thailand, ito ay kasunod ng mga ulat ng pagtaas ng kaso ng nasabing sakit sa ilang bahagi ng Southeast Asia partikular sa Singapore, Thailand, at Hong Kong.


Ayon kay Bombo International Correspondent Thailand Toto Bering Cadapan, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naobserbahan ang muling pag-akyat sa numero ng tinamaan ng sakit mula Enero 1 hanggang ngayong buwan ng Mayo.


Naitala ang pagtaas ng kaso lalo na sa pagdiriwang ng isang engrandeng festival sa lugar kung saan umakyat umano ito sa 71,000.


Mayroon ding 17 kumpirmadong namatay dahil sa COVID-19 sa unang linggo ng Abril 2025.


Dagdag pa ni Cadapan, nasa mahigit 100,000 na ang kaso ng naturang sakit sa kasalukuyan, at mula sa naunang naiulat na 17 na nasawi, umakyat na ito sa 27, at karamihan dito ay mga senior citizen.


Aniya, patuloy na hinihikayat ng gobyerno ng Thailand ang publiko na magpabakuna para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Samantala, sinabi rin niya sa mga kapwa Pilipino dito sa Pilipinas na huwag silang mag-alala dahil kontrolado pa rin ang sakit sa Thailand.