LEGAZPI CITY- Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng pagtaas sa rockfall events sa Bulkang Mayon.
Ayon kay Volcano Monitoring and Erruption Prediction Division head Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na posibleng may kaugnayan ito sa malalakas na pag-ulan na naranasan sa nakalipas na mga araw.
Ang rockfall aniya ay dulot ng malalakas na hangin at ulan na nakapag destabilize sa bunganga ng bulkan.
Kaugnay nito ay pinag-iingat ng opisyal ang publiko sa posibilidad ng pagkakaroon ng minor phreatic eruptions sa bulkan, lalo pa at hindi pa umano tuluyang bumabalik sa normal ang Mayon volcano.
Matatandaan kasi na noong buwan ng Agosto ay nakapagtala ng nasa tatlong minor phreatic activities ang naturang bulkan, na maaari umanong maulit anumang oras.
Samantala, patuloy naman na pinag-iingat ni Bornas ang publiko na naninirahan malapit sa mga river channels dahil sa posibleng pagdausdos ng lahar kung magpapatuloy ang mga pag-ulan.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang rain threshold ay hindi nagkakapare-pareho dahil maraming factors ang binabantayan para magkaroon ng lahar generation.