LEGAZPI CITY – Pinag-iisipan na umano ng 2019 Bar Examinations topnotcher mula sa Bicol ang pamamaraan sa pag-“give back” sa mga kababayan matapos ang nakamit na tagumpay.

Nasungkit ng 25-anyos na si Mae Diane Azores, graduate ng University of Sto. Tomas (UST) Legazpi at tubong Brgy. Bonga sa lungsod ang pinakamataas na pwesto sa Bar exams sa 91.049% na rating.

Sinabi ni Azores sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, gusto niyang pagtuunan ng pansin ang labor practice dahil nakikita ang hirap ng mga trabahante lalo na ang mga contractual employees.

Nais umano nitong isulong ang adbokasiya sa paglaban sa karapatan ng mga ito.

Aminado naman si Azores na hindi madali ang pinagdaanan mula sa pinagsama-samang pressure, sakit ng tiyan at tatlong exam Sundays na walang tulog subalit humugot ng lakas sa pamilya at nobyo na naniwalang kayang mag-Top sa exams.

Payo pa nito sa mga law students na huwag basta-bastang susuko sa anumang hamon.

2019 Bar Examinations topnotcher Mae Diane Azores

Proud naman ang kapatid nitong professor, inang nagtatrabaho sa clinic at amang si Diosdado na isang jeepney operator sa naabot ni Azores.

Inialay rin nito ang tagumpay sa lolang pumanaw nitong Marso 18 lamang at hindi na nahintay ang pagiging ganap na abogada ng dalaga.

Diosdado Azores

Magpapakain ang mga ito sa frontliners ng coronavirus pandemic upang ipagdiwang ang tagumpay.

Bukod kay Azores, pumangatlo naman exams si Myra Baranda sa 88.825% rating na mula naman sa Brgy. Baclayon, bayan ng Bacacay.