LEGAZPI CITY – Umaasa si Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. na ganap nang maisasabatas ang House Bill 1504 na naglalayong mabigyang-proteksyon ang mga senior citizens.
Una nang isinulong sa Kamara na maisabatas ang panukala sa ilalim ng 17th Congress at nakaabot pa sa final reading subalit bigong matupad dahil kinulang sa oras ang pagpasa ng Senate version ng bill.
Ayon sa kongresista sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tumitindi ang mga isyu sa pang-aabuso sa nakatatandaang sektor lalo na ngayong nasa gitna ng coronavirus pandemic.
Sakop rin ng panukalang batas hindi lamang ang pisikal, sikolohikal at emosyunal na abuso kundi maging ang medical maltreatment at sexual, financial at material exploitation.
Dahil karaniwang wala nang kapasidad na makapagsampa ng kaso ang mga nasa elderly sector, pinapayagan rin sa ilalim ng panukalang batas na kahit hindi kamag-anak subalit may kabatiran sa abuso, maaring magsampa ng reklamo.
Nakasaad rin sa bill na idudulog sa Women’s Desk ng pulisya o lokal na pamahalaan ang anumang elderly abuse habang LGU na rin ang bahala sa temporary shelter ng matanda.
Sa kabilang dako, maging ang sangkot na suspek sa pang-aabuso ang isasailalim rin sa counselling at psycho-social services para sa recovery.