LEGAZPI CITY – Nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Castilla, Sorsogon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na gawing prayoridad ang pagsasaayos ng mga kalsada sa bayan.
Isa kasi sa tinitingnang dahilan ng nangyaring madugong aksidente sa Barangay Rafael sa naturang bayan na ikinamatay ng anim na indibidwal at 13 sugatan ay ang mga lubak at sirang kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Castilla Mayor Bong Mendoza, matagal ng hinihiling sa Department of Public Works and Highways ang pagsasaayos ng national road sa bayan, subalit wala namang naging tugon ang tanggapan.
Aniya, marami na ang nagbuwis ng buhay dahil sa mga sirang kalsada hindi lang sa pinangyarihan ng naturang aksidente kundi maging sa kalapit na mga barangay.
Ayon kay Mendoza, kung hindi naman mabigyan ng agarang aksyon ang pagsasaayos ng mga kalsada, sana ay malagyan man lang ng mga signages para sa kaligtasan ng mga motorista.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng anim na nasawi at sa mga sugatan sa nangyaring banggaan ng jeep at truck.
Kaugnay nito, sinabi ni Mendoza na humingi na rin sila ng tulong sa iba pang sektor upang makadagdag sa ibibigay na asestensya sa mga pamilya ng mga biktima.
Samantala, sa naunang panayam kay Police Major Marmay Fartingca, hepe ng Castilla Municipal Police Station, naka-hospital arrest ngayon ang driver ng pampasaherong jeep na sangkot sa naturang aksidente.
Kakaharapin nito ang patong-patong na kaso kabilang na ang reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injury at damage to property.