LEGAZPI CITY – Ipinagbawal na ng lokal na pamahalaan ng Pio Duran sa Albay ang pagpunta sa porsyon ng Panganiran Mountain Ranges kung saan naitala ang nangyayaring soil erosion o pagguho ng lupa partikular na sa boundary ng Barangay Flores at Panganiran.

Ayon kay Pio Duran MDRRMO Head Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa inilabas na Executive Order No. 5 series of 2022 ni Mayor Alan Arandia ipinagbabawal na ang pagbisita lalo na ng mga turista, pagtatanim, maging ang pagdala ng hayop sa naturang porsyon ng lugar.

Batay sa huling inspeksyon ng MDRRMO, patuloy ang pagguho ng naturang bundok na ngayon ay halos putik na kung kaya’t mabilis ang pagbagsak ng lupa.

Napag-alamang taong 2006 ng unang maiulat ang soil erosion sa lugar subalit ngayon lang nakapagtala ng matinding pagguho.

Sinusuri na ito ngayon ng MDRRMO kasama ang Department of Environment and Natural Resources at Mines and Geosciences Bureau.

Abiso ni Ordoña sa publiko na iwasan na ang paglapit sa lugar dahil labis na itong delikado sa tao at mahigpit din na pinababantayan dahil 3 kilometro lang ang distansya nito sa isang tourist destination na Buhawi hills.