LEGAZPI CITY – Mahigpit pa rin na ipinagbabawal ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang pagpasok sa 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon sa kabila ng pagbaba na sa alert status sa level 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Paul Alanis ang resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ibinaba na ang status ng bulkan dahil sa pagbaba rin ng mga parametrong binabantayan.
Simula Disyembre noong nakaraang taon, kumunti na ang mga naitatalang volcanic earthquakes at rockfall events, bumagal na rin ang ground deformation o pamamaga ng bulkan, kumunti ang ibinubugang sulfur dioxide at humina ang banaag o crater glow sa bunganga nito.
Indikasyon umano ito na tumigil na sa pag-akyat ang magma sa ilalim ng bulkan at mababa na ang tyansa na magkaroon pa ng pagsabog.
Subalit nilinaw ni Alanis na mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang pagpasok sa danger zone hanggang sa hindi pa naibababa sa alert level 0 ang status ng bulkan.
Binigyang diin nito na kahit pa mababa na ang tyansa, may posibilidad pa rin na magkaroon ng phreatic erruption kagaya ng nangyari noong Pebrero 4 kung kaya ibayong pag-iingat pa rin ang payo sa mga nakatira malapit sa Bulkang Mayon.