LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa publiko na multa at pagkakakulong ang haharapin ng hindi otorisadong pagpasok sa airspace at runway ng Bicol International Aiport (BIA).
Batay sa Provincial Ordinance 0059-2021 ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay na aprubado mula Nobyembre 2021, idineklarang protected area ang 16-kilometer radius ng BIA.
Ipinagbabawal ang pagsasaranggola, hot air balloons, at anumang flying objects na kontrolado ng remote control device na makakaharang sa aircraft operations sa paliparan.
Hindi rin pinapayagan ang pagtutok ng laser lights sa aircraft at pagpasok ng mga tao, sasakyan at mga hayop na walang approval ng CAAP na operator ng BIA.
Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi lamang nagdadala ng panganib subalit iligal rin ang gamit ng laser beams o high intensity lights.
Posible umanong makapag-jeopardize ito sa aircraft safety.
Multang P5, 000 at pagkakakulong ng hindi bababa sa 15 araw hanggang anim na buwan depende sa discretion ng korte ang katapat ng paglabag.