LEGAZPI CITY—Umani ng samu’t saring reaksyon mula sa mga pamilya ng mga biktima ng drug war ang pagpapaliban sa pagdinig para sa confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na orihinal na nakatakda sa Setyembre 23, 2025.
Matatandaang ang desisyong ito ay dahil sa pahayag ng kampo ni Duterte na hindi na umano kayang makadalo nito sa pagdinig dahil sa kondisyon ng kanyang kalusugan.
Ayon kay Rise Up for Life and for Rights Coordinator Rubilyn Litao, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na ang pagpaliban nito ay ikinalungkot, ikinadismaya, gayundin na ikinagalit ng kanilang grupo.
Sinabi ng grupo na maaaring taktika ito sa panig ni Duterte, dahil hindi pa naman ito paglilitis at haharapin lamang ang mga kaso laban sa kanya.
Dagdag pa ng opisyal, mayroon nang mga kopya ng lahat ng dokumento ang panig ni Duterte kaya kinukwestiyon nila kung ano pang dokumento o ebidensya ang kinakailangan ng mga ito.
Iginiit din ni Litao na mahalaga ang mangyayari sa Setyembre 23 upang masimulan na ang proseso ng paglilitis sa dating Pangulo ng Pilipinas.
Hindi rin umano tumutugma ang pahayag ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na ito ay ulyanin na, taliwas sa sinasabi ng pamilya ni Duterte na nasa maayos na itong kalagayan.
Nananawagan ang grupo sa International Criminal Court na ipagpatuloy ang confirmation of charges at simulan ang paglilitis upang maipagtanggol din ni dating Pangulong Duterte at ng kanyang mga abugado ang kanilang mga sarili.
Samantala, patuloy din ang kanilang pagkonsulta sa National Union of Peoples Lawyers sa mga pamilya ng mga biktima ng drug war hinggil sa nasabing usapin.