LEGAZPI CITY—Binigyang-diin ng isang election watchdog na mas matindi ang paggastos ngayon matapos ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2026.
Ayon kay Kontra Daya Convenor Prof. Danilo Arao, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, na tila nag-aksaya lang ang gobyerno hindi lang ng pera kundi maging ng panahon.
Imbes aniya na maghanda para sa Nobyembre 2026, katanungan nila kung ang mangyayari sa mga paghahandang ginawa sa kasalukuyan.
Malaki ang naaksayang human resources dahil naghahanda lamang sila upang ipagpaliban lamang ang halalan na walang malinaw na proseso.
Dagdag ni Arao na hindi kasing gastos ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections kumpara sa midyear at presidential elections.
Ayon sa kanya na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay manual na hindi nangangailangan ng automated counting machines kaya walang malaking gastos dito.
Punto pa ng convenor na dapat komprontahin ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga lokal na opisyal, maging ang Kamara de Representantes at Senado na mali ang kanilang ginagawa sa pagpapaliban nito.
Kung may dahilan man umano para agarang ipagpaliban ito, ay dapat itong linawin at hindi puro “palusot” kagaya ng sinasabing masyadong polarizing ang eleksyon.











