LEGAZPI CITY – Susulat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol kay Legazpi City Mayor Noel Rosal upang hilingin ang paglalagay ng warning signs sa karagatang sakop ng Brgy. Puro.

Kaugnay ito ng sightings ng box jellyfish na nagtataglay ng toxins na isa sa itinuturing na pinakanakamamatay sa buong mundo.

Inaatake nito ang puso, nervous system at skin cells.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BFAR Bicol spokesperson Nonie Enolva, nakakuha ng 18 piraso ng nasabing species ng jellyfish sa bahagi ng Legazpi Boulevard noong Huwebes, Oktubre 14.

Ipi-preserve muna ang mga ito sa 4% formalin solution para mapag-aralan pa.

Dahil dito, mahigpit ang paalala na iwasan muna ang paglangoy sa naturang bahagi ng dagat.

Inaalam pa kung gaano karami ang nasabing box jellyfish sa lugar subalit pinaniniwalaang mananatili ito sa lugar sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.