LEGAZPI CITY – Inirereklamo ng mga residente sa Sitio Palumbanes ng Barangay Toytoy, Caramoran, Catanduanes ang matagal ng pagkakaingin sa kanilang lugar na itinuturong dahilan ng mga nangyayaring grassfire.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rene Sales ang adviser ng Palumbanes Island Community Youth Organization, nitong nakaraang linggo lang ng makapagtala na naman ng wildfire sa Binandirahan hills na isa sa sikat na atraksyon sa kanilang lugar.

Pinaniniwalaan na pagkakaingin ang dahilan nito dahil sa nakitang kahon ng posporo.

Ayon kay Sales, matagal na nila itong inirereklamo sa barangay subalit hindi naman naaaksyonan at nagpapatuloy pa rin ang problema.

Minsan na rin umanong may nahuling lalaki dahil sa pagkakaingin, subalit pinalaya rin ito at binigyan lamang ng warning dahil maedad na.

Panawagan ni Sales sa mga awtoridad na higpitan ang pagpapatupad ng batas at arestohin ang mga gumagawa ng iligal na pagkakaingin na nakasisira sa kapaligiran.

Binisita na rin ng Bureau of Fire Protection ang pinangyarihan ng sunog at iniimbestigahan na ang insidente.