Former president Rodrigo Duterte
Former president Rodrigo Duterte

Nagbabala ang grupong ‘Bring PRRD Home’ laban sa epekto ng patuloy na pagkakadetene ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa detention facility ng International Criminal Court.

Ayon sa convenor ng grupo na si Benito Ranque, maaaring magtulak ito ng lalo pang pagnanais ng mga mamamayan ng Mindanao na buhayin ang independence o tuluyang paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.

Ayon kay Ranque, lumalawak ang umano’y nararamdaman ng mga mamamayan ng Mindanao na sila ay inaabandona at itinatakwil; marami sa mga ito aniya ay iniiisip na ang kasarinlan ang tanging paraan para umusad ang buong rehiyon.

Ibinunyag din ni Ranque na muling lumutang ang ideyang ito kasunod ng kamakailang pagpupulong na dinaluhan ng iba’t-ibang mga lider sa Mindanao kung saan ang pangunahing pokus ay ang pagpapauwi sa dating pangulo pabalik sa bansa.

Paliwanag ni Ranque, ang ‘Declaration of Mindanao’s Independence’ na nagtutulak sa naturang kampaniya ay naka-archive sa United Nations noong 1986 dahil sa kawalan ng endorsement mula sa mga member state.

Ang orihinal na deklarasyon ay pinangunahan ng namayapang abogado na si Reuben Canoy.

Noong dekada ’80 ay binuo niya ang isang convention na binubuo ng mga delegado mula sa Mindanao, Sulu, at Palawan. Dito ay nabuo ang kopya ng deklarasyon, kasama ang isang proposed constitution.

Isinumite nila ito sa UN ngunit walang independent country na nag-endorso sa deklarasyon.

Ayon kay Ranque, maaaring buhayin ang naturang movement kung isang independent country tulad ng China o Russia ang kikilala sa kasarinlan ng Mindanao.

Kung sakaling mangyari ito, maaari aniyang magkaroon ito ng isang interim Federal government na pwedeng pamunuan ni dating Pang. Duterte. Ang interim government ay maaari aniyang magtulak sa petisyon sa UN.