LEGAZPI CITY- Hindi pa makapaniwala hanggang ngayon si Stephany Mae Chi, ang tubong Catanduanes na nakasungkit ng pang-anim na puwesto sa katatapos pa lang na Medical Technologist Licensure Exam.
Ayon kay Chi, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kahit pa itinatak nya na sa isip nyang makapapasa sya sa board exam, hindi nya inaasahang makakapasok sya sa Top 10 lalo pa’t nahirapan umano sya sa ilang mga katanungan.
Napag-alaman na ito ang unang beses nyang pagkuha ng naturang eksaminasyon matapos maka-graduate kung kaya malaking kasiyahan para sa kanya na hindi lamang maipasa ang exam kundi mapabilang pa sa mga examinees na nakakuha ng mataas na marka o puntos.
Payo nya na lamang sa lahat ng mga magkakaroon din ng kaparehong exam, na hanapin ang pinaka-akmang istilo upang makapag-aral, piliin umano ang pinakaepektibo para sa sa sarili lalo pa’t iba-iba umano ang mga tao ng paraan upang makabisa ang mga inaaral.
Samantala, para sa kanya’y ang repetition style o ang paulit-ulit na pagreview sa mga topic ang nakatulong upang hindi nya agad makalimutan ang mga pinag-aralan.
Aniya, katulad ng ibang mga mag-iexam, naramdaman nya rin ang kaba at nagkaroon ng negatibong mga ideya nang papalapit na ang board exam.
Malaki ang pasasalamat nya sa lahat na sumporta partikular na sa pamilya, ngunit maliban sa mga taong na naniniwala sa kanya, naniniwala syang malaking parte ang pagiging volunteer nya sa isang ospital upang mas mahalin pa ang propesyon at ma-enganyong mas pagbutihin pa.