LEGAZPI CITY – Inihayag ng state weather bureau na unti-unti ng nararamdaman ang epekto ng El Niño sa ilang bayan sa lalawigan ng Catanduanes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Catanduanes weather specialist Jun Pantino, nagkakaroon na ng pagka-unti ng suplay ng tubig na nararanasan sa mga bayan ng San Miguel, Bato at maging sa Virac.

Napansin na ang paghina ng buhos ng tubig sa mga gripo at iba pang pinagkukunan ng suplay ng tubig sa naturang mga lugar.

Dahil dito, nagsagawa na ng pag-uusap ang mga concerned agency sa lalawigan upang ma-maximize ang source ng tubig kung sakaling tumindi pa ang epekto ng tagtuyot.

Ayon kay Pantino, maging sa mga agrikultural na produkto malaki rin ang magiging epekto ng grabeng tag-init, kaya mahalaga na mapaghandaan ang pagtama ng El Niño.

Abiso nito sa publiko na simulan na ang pagtitipid ng tubig at iwasan ang pag-aksaya upang mapanatli ang suplay sa komunidad.

Samantala, sa ngayon ay nakararanas ng mga pag-ulan sa lalawigan na dulot ng Low Pressure Area kaya’t abiso sa mga residente na maging alerto sa mga posibleng pagbahat at pagguho ng lupa.